::ang tunay na kahirapan::
ni diane ramos at miki litao

Mga kaibigan, ang lahat ng guro sa daigdig ay pare-pareho. Ang tambak na homework, and mahihirap na test, ang magulong talakayan, ang mga bonggacious na instructions at pati na ang nakakahilong mga lesson, lahat ng ito ay kaloob ng isang kapangyarihang taglay ng ating mga guro.

At tayong kabataan na pinakamahalagang bagay para sa kinabukasan, ano ang dahilan ng ating paghirap sa mundo? Bakit tayo ginaganito?

Mga kamag-aral, tayo ay ginaganito upang kilalanin at paglingkuran ang ating mga guro. At sa pagtupad natin dito, ay binigyan tayo ng sandamukal na gawain na gagampanan sa eskwelahan. Ang mga guro, principal, ang mga EVP, silang lahat ay pawang nasa eskwelahan, nagpapahirap ng ating mga buhay.

Subalit mga kamag-aral, ilan sa kanila ang nakakaunawa sa atin? Ilan sa kanila ang naniniwala na hindi muna dapat nating pagtuunan ang pag-aaral? Ilan sa kanila ang nagsasabing, "Mga studyante, ihabilin nyo sa akin ang inyong mga grade, sa lahat ng test at homework ay exempted na kayo." Ilan, mga kaibigan, ilan?

Kahabag-habag ang mga guro na walang hangad na pagpahingahin ang mga studyante dahil lamang sa taglay na kapangyarihan at karunungan na mangbagsak. Hindi nila nalalamang ito ang pinakamahirap na maaari nating mapasado para sa kanila.

Kailan masasabing ang isang studyante ay kinakawawa? Kung halos maglumpasay na siya sa kakatrabaho? Kung ilang gabi siyang nagpupuyat sa kakaaral? Kung ilang TV shows na ang hindi niya napanood dahil sa sandamukal na gawain? Kung ilang araw na siyang hindi naka-chat at nakapag-internet? Kung ang pinag-uusapan na lang niya sa telepono ay ang kahirapan na dinaranas niya? Oo mga kaibigan. Ako ay isang studyante. At nalalaman kong sapat na itong mga dahilang ito upang patunayan na kinakawawa ang mga studyante dahil wala nang iba pang masasakripisyo ang isang studyante kundi ang TV, internet, at tulog.

Sino man sa atin ang may ganitong karanasan sa buhay ay kapareho ko lang. Ikaw man ay bobo, matalino, o mangmang. Ito ay katotohanang iginuhit hindi sa buhangin kundi sa handbook.

At katulad ng paghihirap na nilikha ng mga guro... ang sandamokmok na tests, ang homework na dumadaloy sa buhay ng mga studyante, pagsapit ng itinakdang araw para sa bigayan ng report card, ay malugod tayong haharap sa ating mga magulang at magsasabing, "Ama ko, naririto akong iyong anak, isang ganap na tagumpay sapagkat ako'y natutong magpakahirap, magpuyat, at mag-aral para sa inyo."

original text

::ang tunay na tagumpay::
ni rogelio lota

Mga kaibigan, ang lahat ng bagay sa daigdig na nilikha ng diyos ay may dahilan. Ang liwanag ng sikat ng araw, ang malamig na simoy ng hangin kung dapithapon, ang masukal na kagubatan, ang daloy ng tubig sa dalampasigan, ang huni ng ibong malayang nakalilipad sa papawirin, ang samyo ng mga bulaklak, ang mumunting kulisap at malilikot na paruparo, ang mga yagit sa lansangan at pati na ang kapangitan ng daigdig; ang lahat ng ito ay kaloob ng isang kapangyarihang lumalaganap sa langit, at sa lupa.

At ang tao, na siyang pinakamahalagang bagay na binigyang-buhay ng Diyos, ano ang dahilan ng kanyang pagsilang sa daigdig? Bakit siya nilikha ng Diyos?

Mga kaibigan, tayo ay nilikha ng Diyos upang kumilala, maglingkod, at dumakila sa Kanya. At sa pagtupad natin sa tungkuling ito ay binigyan niya tayo ng kaniya-kaniyang papel na gagampanan sa dulaan ng buhay. Ang mga manananggol, mga manggagamot, mga guro, ang mga bituin sa pelikula, ang mga payaso sa mga dulaan, ang makapangyarihan at naaapi, mga pulubi at maharlika; silang lahat ay pawang nilikha ng Diyos at silang lahat ay may katungkulang tumupad ng papel na laan para sa kanya.

Subalit mga kaibigan, ilan sa kanila ang maituturing na ganap na tagumpay? Ilan sa kanila ang naniniwala sa katotohanang ang buhay sa lupa ay pansamantala lamang? Ilan sa kanila ang nagsasabing, "Ama namin, sa Iyo ko inihahabilin ang aking kaluluwa at ang lahat ng aking mga gawain, pagpapakasakit at tagumpay ay alay ko sa Iyo." Ilan mga kaibigan, ilan?

Kahabag-habag yaong mga taong dahil lamang sa taglay na kapangyarihan at karunungan ay nakalilimot na sa tunay na kahalagahan ng buhay. Kahabag-habag ang mga maralita at kulang-palad na walang hangad na makabangon sa pagkakarapa at magamit ang talas ng isip at lakas ng katawan upang mabagao ang takbo ng kanilang buhay. Hindi nila nalalamang ito ang pinakabahalagang bagay na maaari nilang maihandog sa kanilang Lumikha.

Kailan masasabing ang isang guro ay nagtagumpay? Kung lumaki na ang kanyang sahod? Kung siya'y isa nang punung-guro o tagamasid kaya? Hindi mga kaibigan. Ako ay isang guro. At nalalaman kong ang tagumpay ay maaari ko lamang makamit kung ang layunin ko sa araw-araw ay dakila, kung tapat akong nagmamahal at minamahal naman ng mga batang aking tinuturuan sapagkat nakikita ko sa kanilang katauhan ang larawan ng Diyos, kung ako ay naging mapalad na maipagkaloob sa kanila ang tampok na hiyas ng aking talino at pagpapakasakit, at higit sa lahat kung ako ay tapat sa aking layuning mabuksan ang kanilang isipang tulad ko ay kumikilala, naglilingkod, at dumadakila sa Kanya.

Sino man sa atin na may ganitong batayan sa buhay ay magtatagumpay. Ikaw man ay maralita, marunong, o mangmang. Ito ay katotohanang iginuhit hindi sa buhangin kundi sa langit.

At katulad ng kalikasang nilikha ng Diyos... ang araw na nagbibigay ng liwanag, ang tubig na dumadaloy sa batisan na nagbibigay sa mga halaman at sa mga isda... tayong mga tao, kung makatutupad sa banal at dakilang layunin natin dito sa lupa, pagsapit ng itinakdang araw para sa atin, ay malugod tayong haharap sa Kanya at magsasabing, "Ama ko, naririto akong iyong anak, isang ganap na tagumpay sapagkat natuto akong kumilala, maglingkod, at dumakila sa Iyo."